Wowie de Guzman makes a comeback via "Kung Fu Kids"
Nerisa Almo
Tuesday, January 22, 2008
08:39 PM
Masayang ibinalita ng aktor na si Wowie de Guzman ang kanyang pagbabalik-showbiz sa tulong ng kanyang bagong manager na si Alfie Lorenzo.
Sa press conference ng Kung Fu Kids kaninang tanghali, January 23, naikuwento ng dating miyembro ng dance group na Universal Motion Dancers ang kanyang desisyon na magbalik sa showbiz.
Ayon kay Wowie, siya ang lumapit sa talent manager na si Alfie Lorenzo upang tulungan siya na magkaroon muli ng proyekto sa pag-arte sa telebisyon.
Aniya, "Ako po yung lumapit kay Tito Alfie. May nagsabi lang sa akin na, ‘Gusto kang makita ni Tito Alfie, parang gusto kang i-manage, e.' So, ang ginawa ko, tinawagan ko si Tito A, 'tapos pinuntahan ko siya sa Pampanga. 'Tapos nagpakita nga ako, 'tapos yun, hinawakan niya nga ako.'"
Matatandaan na naging isa sa pinakasikat na teen stars si Wowie magmula nang gawin niya ang sopa opera na Mara Clara, kung saan nakatambal niya ang dati niyang ka-loveteam at dating kasintahan na si Judy Ann Santos—na incidentally ay prime talent din ni Alfie.
Inamin ni Wowie na labis niyang pinagsisisihan ang pagpapabaya niya sa kanyang showbiz career noong panahon ng kanyang kasikatan. Sabi niya, "Of course, pinagsisisihan ko talaga. Kumbaga, parang na-reach ko na yung pinaka-peak, biglang pinabayaan ko, e."
Isang dahilan na nabanggit ng 32-year-old na aktor ay ang depression. Kuwento niya, "Well, na-depressed po ako. Nasa depression stage talaga ako noon kasi parang biglang natanggal ako sa mga shows, wala nang kumukuha sa akin. Unti-unting wala nang kukuha sa akin."
Dahil dito, naungkat ang bali-balita noon na kaya lumamlam ang kanyang career dahil sa napabalitang nalulong siya sa drugs.
Agad naman itong pinabulaanan ni Wowie. Depensa niya, "Sinabi naging drug-addict daw ako, gumamit ako ng drugs, hindi po totoo yun. Pero hindi ko naman po idine-deny na tumikim po ako. Pero never po akong nalulong sa drugs."
REMEMBERING JUDY ANN. Ngayong hawak na ng talent manager na si Alfie ang career ni Wowie, bukas ba ang aktor na muling makapareha si Judy Ann?
Para kay Wowie ay okay lang naman daw ang makatrabaho muli si Juday, pero hindi ibig sabihin nito na may posibilidad na subukan niyang balikan ang dating kasintahan. Dagdag pa niya, "Tagal na po 'yon, e, at saka mukhang happy naman na si Juday kay Ryan."
Payag din naman si Wowie na makatrabaho ang current boyfriend ni Judy Ann na si Ryan Agoncillo. Sa katunayan, wala raw magiging problema kung magsama sila sa isang proyekto.
Paliwanag ni Wowie, "With Ryan, walang problema kasi si Ryan po kakilala ko na siya. Commercial model pa lang siya, kilala ko na siya. Although hindi naman kami talaga ganun ka-close pero na-meet ko na siya before, 1998 pa 'ata yung time na na-meet ko siya. So wala akong problem with Ryan."
LOVING THE THEATER. Nang mawala si Wowie sa showbiz, ginamit niya ng kanyang kakayahan sa pag-arte sa teatro. Naging aktor siya ng Gantimpala Theater Foundation at naging karakter sa mga stage plays tulad ng Florante at Laura, Ibong Adarna, El Filibusterismo, Noli Me Tangere, The Bomb, Alikabok, Loren Ruiz, Romeo Loves Juliet, at Perlita ng Silangan.
"Malaki ang naitulong ng teatro sa akin kasi ang dami kong natutunan, e. At saka yung mga characters na offbeat at saka nagkaroon ng chance na kumuha ng mga projects na ganun," pahayag ni Wowie.
Sa kanyang pag-arte sa entablado, hindi ba siya nanibago?
"Para sa akin, pareho lang sila [acting in showbiz and in theater]," sagot ni Wowie. "Malaki ang respeto ng mga taga-teatro sa mga artista kasi sila hindi nila kaya yung... May iba, yung mga nakausap ko lang ha, hindi nila kayang mag-memorize ng script 'tapos aarteng bigla sabay iiyak. Doon sila parang, ‘Paano n'yo nagagawa 'yon?' Kami namang mga artista, ‘Paano n'yo name-memorize, 'yan?' Yun pala one month rehearsal."
Dagdag pa ng nagbabalik-showbiz na aktor, "Ang bilis kong mag-adjust, e, kasi nga one month rehearsal. Ang naging problem ko lang is my voice kasi sanay ako na subtle lang yung acting and then ang audience mo five thousand, three thousand, so kahit na may lapel ka, kailangan malakas pa rin [ang boses]. At saka ang naging problema ko noon, napapaos agad ako. So siguro mga first four shows namin, doon ako nagkaroon ng problema. Hanggang sa [may nagsabi], ‘Wa, ganito yung technique sa diaphragm.'"
Bukod sa pag-arte, marami pa raw ibang bagay na natutunan si Wowie nang mag-umpisa siyang mag-teatro.
Aniya, "Malaki ang pasasalamat ko sa theater, e. ang dami kong natutunan, gumawa ako ng poster, natututo akong gumawa ng AVP [audio-visual presentation] sa computer, 'tapos minsan sumusulat ako ng script na ipapaayos ko lang mga friends ko na writer. Yun yung naging bread and butter ko."
BACK TO SHOWBIZ. Bagama't unti-unti nang nagugustuhan ni Wowie ang trabaho sa teatro, hindi naman maiwasan ng aktor na muling piliin ang pag-aartista sa showbiz dahil sa financial reasons.
Ani Wowie, "Sa stage kasi, financially, hindi ganun kalaki ang kikitain mo. Hindi naman ako mayaman o ano. So after ko mawala, siyempre financially, naubos na unti-unti. Kapag iku-compare mo ang theater sa TV, malaki ang layo."
Inamin din ni Wowie na baka mag-lie low muna siya sa pag-arte sa entablado at muling mag-focus sa kanyang showbiz career.
Paliwanag niya, "Magla-lie-low muna ako sa theater kasi parang... Kumbaga, sabi kasi ni Tito A, ‘Ano ba?' Parang once in a lifetime lang na bumalik yung opportunity na ganito, di ba? Doon ka na sa taas dati 'tapos naranasan mo nang bumaba.
"Masarap yung pinapalakpakan ka, okay, masarap yung pinupuri ka. Pero financially, okay ka ba? Kung mayaman lang ako, okay lang sana pero, e hindi naman ako ganun at breadwinner pa ako.
"So nung time na nagkaroon ng opportunity na ganito, na sinabi ni Tito Alfie na, ‘O, halika na, ipapasok na kita,' [sagot ko], ‘Sige, Tito.' So kahit mahal na mahal ko yung teatro, kailangan [mag-lie low]. Pero puwede pa naman, e, I'm sure makakagawa pa rin ako."
Hindi na talaga pinalagpas ni Wowie ang oportunidad na makabalik sa showbiz nang ibalita ito sa kanya ng kanyang manager. Aniya, "Yung ganitong klaseng chance ang opportunity na ibinigay ng [ABS-CBN], hindi mo puwedeng palagpasin especially ngayon ang dami mong kakumpitensiya, ang daming puwedeng gumawa ng role ko."
At sa kanyang pagbabalik, umaasa si Wowie na, "Sana po tuluy-tuloy na."